Kongreso kinalampag: Taas-singil sa tubig suspendihin

January 11, 2023 by No Comments

Pinasususpendi ng Makabayan bloc sa Kongreso ang ipapatupad na dagdag-singil sa tubig ng dalawang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ngayong buwan.

Base ito sa Joint House Resolution No. 17 na inihain ng grupo na humihiling sa dalawang kapulungan ng Kongreso na ipag-utos ang madaliang pagsuspendi ng ipapatupad na dagdag-singil sa tubig sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, at bumabangon pa lamang na ekonomiya ng bansa.

Matatandaang inaprubahan ng MWSS ang kahilingan ng dalawang water concessionaire na Maynilad at Manila Water na itaas ang kanilang singil sa tatlong tranches mula Enero 2023 hanggang 2027.

Batay sa kahilingan, magiging P8.04 per cubic meter ang singil na Manila Water habang P3.29 naman sa Maynilad ngayong taon.

Gayunpaman, para sa Makabayan bloc, dagdag pasanin na naman ito para sa mga konsyumer dahil bukod sa kinakaharap na krisis sa ekonomiya ng bansa, patuloy na mataas ng presyo ng mga bilihin at maraming walang trabaho.

“This will only exacerbate the plight of poor families who are struggling to make ends meet”, giit ng Makabayan bloc na binubuo nina Rep. Arlene Brosas (Gabriela), France Castro (ACT-Teachers) at Raoul Manuel (Kabataan).

Dismayado pa ang grupo na mula nang isapribado ang MWSS noong 1997 ay lalong pinahirapan umano ang mga konsyumer sa patuloy na pagtaas ng singil nito sa tubig. (Eralyn Prado)

The post Kongreso kinalampag: Taas-singil sa tubig suspendihin first appeared on Abante Tonite.