Sinuspindeng taas butaw wa epek sa PhilHealth

January 4, 2023 by No Comments

Walang epekto sa operasyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang suspensyon ng pagtataas sana nito ng kontribusyon mula sa kanilang mga miyembro ngayong 2023.

Una nang naglabas ng kautusan ang Malacañang kung saan sinuspinde nito ang nakatakdang premium hike ng mga miyembro ng PhilHealth dahil na rin sa patuloy pang nararanasang hirap ng buhay sanhi ng COVID-19 pandemic.

“Despite the suspension ay wala pong magiging epekto sa operations ng PhilHealth, at wala ring magiging epekto sa overall implementation ng National Health Insurance Program,” sabi ni PhilHealth senior manager for corporate communications Rey Balena sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles.

Aayusin lang umano ng ahensya ang ilan sa mga benepisyong ibinibigay sa kanilang mga miyembro. Partikular na binanggit ni Balena ang mental health, therapeutic care for malnutrition, at healthcare consultations na umano’y nangangailangan ng ilang adjustment.

“Halimbawa ay iyong ating outpatient package benefit for mental health at saka iyong outpatient package for severe acute malnutrition. Sa KonSulta o iyong ating Expanded Primary Care Benefit Package, alam ninyo po tuluy-tuloy na ang implementation nito. Kung mayroon mang mga adjustments sa implementation ay very, very minor lang po,” paliwanag pa ng opisyal. (Dolly Cabreza)

The post Sinuspindeng taas butaw wa epek sa PhilHealth first appeared on Abante Tonite.