Titser na tulak timbog sa buy bust

November 27, 2022 by No Comments

Arestado ang isang public school teacher matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sta. Cruz, Laguna nitong Huwebes.

Ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, provincial director ng Laguna PNP, naaresto sa isang drug bust sa M.H. del Pilar street sa Barangay Poblacion 3, Sta Cruz ang suspek na si John Paul Costa, 39, guro sa Tagumpay Elementary School Sta. Cruz, Laguna, at taga-Bgy. Tagumpay, ng nasabing bayan.

Nakumpiska dito ang16 pirasong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 1.9 gramo at nagkakahalagang P13,000. Bukod dito ay nakuha rin sa suspek ang P500 marked money, 5 pirasong tig-P100 at motorsiklo.

Sa report, may nakapagtimbre sa pulisya hinggil sa iligal na aktibidades ni Costa, kung saan nagtuturo ito sa araw at pagsapit ng gabi ay rumaraket ito at naglalako ng droga dahilan upang isagawa ang operasyon at dakpin ito.

Sa Lumban, isang konsehal ng barangay na kinilala lamang sa pangalang Len at ang umano’y kasama nito na kilala lang sa kanyang alyas na Walter ang naresto rin ng mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Maracia noong Miyerkules.

Narekober naman sa mga suspek ang shabu na nagkakahalagang P3,500.

Nakakulong na ang dalawa at kinasuhan na rin ng kasong paglabag sa RA 9165 o paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Ronilo Dagos)

The post Titser na tulak timbog sa buy bust first appeared on Abante Tonite.

Tags: , , , ,